Upang matiyak na magiging tuloy-tuloy ang wildlife preservation efforts ng gobyerno ay sasamantalahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paggamit ng information technology upang maturuan ang publiko ng kahalagahan ng pagbibigay-proteksiyon sa kapaligiran at wildlife species sa gitna ng mga pagsubok dulot ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Environment Secretary Roy A. Cimatu, ang paggamit ng karagdagang dalawang online learning platforms ay nagbibigay ng kakayahan sa DENR para mapatupad ang mandato nito na maturuan ang mga tao tungkol sa wildlife resources ng bansa sa kabila ng patuloy na coronavirus o COVID-19 pandemic.
“Thanks to technology, we are able not only to communicate remotely, but also make sure that the Filipinos can continue to educate themselves about the environment, especially in protecting our wildlife species,” saad ni Cimatu.
Nagpahayag din ito ng pasasalamat sa mga partner-organizations ng DENR dahil hindi ito mangyayari kung hindi sa tulong ng mga ito.
Sa pamamagitan ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR ay binuksan na sa publiko ang eLearning course para sa Basic Wildlife Law Training at ang Wildlife Philippines Podcast sa ilalim ng DENR-Asian Development Bank at ng Global Environment Facility Illegal Wildlife Trade Project at USAID-Philippine Biodiversity Conservation Project 3 noong Marso 3 kasabay ng paggunita ng World Wildlife Day Celebration.
Ang BWLE training course, na maaaring makuha sa http://elearn.adb.org, ay binubuo ng pitong modules na may 19 stand-alone topics.
Sa pamamagitan ng modules ay maipakikilala sa mga kukuha nito ang iba’t ibang paksa kabilang na ang Wildlife Law Enforcement in the Philippines; Species Commonly involved in Wildlife Crimes; Substantive Laws on Wildlife Resources Protection; Other Crimes against Wildlife; Roles and Responsibilities of Government Agencies in Wildlife Law Enforcement; at Procedural Laws on Wildlife Resources Protection.
Ang mga paksa sa interactive module ay may kasamang graphics, gamification, reference documents at articles na maaaring i-download ng learners at mapag-aralan offline.
Nakabase ang course content sa consolidated Law Enforcement Training Modules, Wildlife Law Enforcement Manual of Operations, at Basic Wildlife Law Enforcement Training Modules na dinagdagan lang ng ilang “developments” ng DENR at iba pang wildlife experts.
Samantala, ang Wildlife Philippines Podcast ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng mahigit 20 higher education institutions sa ilalim ng Institute of Environmental Governance.
Makapagbibigay ang podcast ng educational trivia at mahahalagang kaalaman tungkol sa biodiversity conservation at wildlife protection na layuning makapagbigay ng impormasyon at kamalayan tungkol sa biodiversity, environmental challenges, at best practices ng bansa.
Maaari ring maka-access ang learners sa Wildlife Philippines sa pamamagitan ng Spotify, Apple Podcasts at Google Podcasts.
Inanunsiyo na rin ng DENR-BMB ang nalalapit na implementasyon ng automated system para sa pag-isyu ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES) permits sa pamamagitan ng eCITESPH.
Ang sistema ay pagsasama-samahin nang tuluyan sa Philippine national single window system para sa trade facilitation.
Napapailalim ang CITES sa international trade of threatened animal and plant species na layuning mapigilan ang pag-import, export, re-export ng mga nasabing hayop at halaman sa ibayong-dagat.
Ayon kay BMB OIC and Assistant Director Amelita Ortiz, sa pamamagitan ng sistemang ito ay makokontrol ang international trade ng endangered species.
“With the automation of CITES permits, and the use of modern information and communication technologies to simplify compliant trade, we will strengthen CITES implementation to combat illegal trade,” saad ni Ortiz.
Ipinaliwanag pa nito na ang automation ng CITES ay makatutulong sa pagproseso ng “enforce regulations, increase transparency, facilitate processing and electronic data exchange with customs and other agencies, and reduce opportunities for corruption and the use of fraudulent documents.”
“Electronic information exchange with other countries will put an end to current practices using fraudulent paper permits to launder illegal trade in endangered species in the international supply chain,” dagdag pa nito.